Our ethical formation as doctors begins early. My ethics was greatly formed in college. It shaped my ethics in my responsibility as doctor to the society. Earlier this week, I was informed that I am being recognized by my college Alma Mater as one of the Most Distinguished Alumni of UP Mindanao for 2016. Below is what I had to say:
Salamat sa mga nagbigay ng parangal na ito. Pero ano nga ba ang ibig sabihin ng parangal na ito? Para sa akin, ang tanong ay ano nga ba ang puedeng magawa ng isang estudyante ng UP Mindanao 20 years mula ng kanyang unang enrolment? Opo, 1996 po kasi ang aking student number.
Sa loob ng 20 years, dapat po sana ay graduate ka na. Dapat sana ay tapos ka na sa pag-aaral mo at ikaw ay may trabaho na para kumita at may sarili ka nang pera. Para naman hindi ka na hingi ng hingi ng pera sa mga magulang mo. Maawa ka naman sa kanila kung sa loob ng 20 years ay humihingi ka pa rin ng pera hanggang ngayon. “Ang makagradweyt at makahanap ng trabaho.” Ulitin ko. Ang makapagtapos ng pag-aaral para makahanap ng MAGANDANG trabahong magbibigay sayo ng MAGANDANG sweldo ay HINDI po tinuturo sa UP. Hindi rin po yan ang natutunan ko sa UP, kaya alam kong hindi rin po yan ang ibig sabihin ng parangal na ito.
Noong kami ay nasa PCA compound pa bilang mga estudyante, ang tinuro sa amin ay kung paano makitungo sa ating kapwa tao mula sa iba’t ibang antas ng buhay. Noong kami ay nasa Pahinungod at umakyat ng Diwalwal o sa Boys Town ay tinuro sa amin kung paano pahalagahan ang kapakanan ng iba higit sa sarili. Noong kami ay volunteer sa Eagle Center at binabantayan ang Agila sa Arakan Valley kahit may panganib, tinuro sa amin kung paano pahalagahan ang kalikasan. Noong kami ay dumalaw sa mga komunidad ng Mandaya, Bagobo at Tboli ay tinuro sa amin ang kahalagahan ng ating kultura. Noong kami ay naglakad sa lansangan ng Magallanes at Claveria, natuto rin kaming ipaglaban ang katarungan. Noong kami ay umakyat sa bundok ng Hamuigitan at noong nagsurvey sa Davao Gulf ay tinuro sa amin ang kahalagahan ng pagtuklas at pagsaliksik ng bagong kaalaman. Hindi po PAANO maghanap buhay ang tinuro sa UP.
Ang natutunan po naming ay paano maglingkod sa kapwa, sa kalikasan, sa Diyos at sa Bayan. Pagkalipas ng 20 years, ano nga ba ang puedeng magawa ng isang estudyante mula sa UP Mindanao? Walang iba kundi ipagpatuloy ang nasimulan at natutunan sa UP. Ipagpatuloy ang tamang pakikitungo sa kapwa, ipagpatuloy ang pagtulong sa mga nangangailangan, ipagpatuloy ang paghingi ng katarungan, ipagpatuloy ang pangangalaga sa kalikasan, ipagpatuloy ang pagtuklas sa bagong kaalaman, ipagpatuloy ang pagsulong ng kaunlaran, at ipagpatuloy ang paglingkod sa bayan. Opo, pagkalipas ng 20 years ay hindi pa rin po ako tapos sa pag-aaral dahil estudyante pa rin po ako sa UP. Pero salamat po sa pagkilala sa mga gawaing itinutuloy lamang natin.
At ang pagkilalang ito ay pagkilala rin sa mga katuwang natin sa mga gawaing ito… ang mga taong tumulong sa atin sa komunidad, mga lider ng people’s organization, Civil Society groups, mga nakatrabaho ko at fellow development workers, mga kaibigan kong nagbibigay suporta at panalangin (sana dagdagan niyo ang inyong donations), mga fellow Pioneers (sayang at wala ng UKLAS Mountaineers) mga naging guro ko lalo na dito sa UP hindi ko na po kayo iisa-isahin (pero especial mention kay Ma'am Novero na nagtiwala sa ating kakayahan) at sa mga una kong guro... ang aking ama at ina; ang aking pamilya na lagi kong kasama at higit sa lahat si Bathala.
Daghang Salamat. Padayon…
AMDG... To God be the Glory...
AMDG... To God be the Glory...